![](https://i0.wp.com/makabayan.ph/wp-content/uploads/2024/12/makabayan-cover-photo-casino.jpg?resize=1708%2C750&ssl=1)
Si Teodoro “Teddy” Acevedo Casiño, isang dating mamamahayag ay mas kilala bilang isang masigasig na aktibista, at tatlong-terminong mambabatas ng Bayan Muna partylist. Sa kongreso, matapang niyang ipinaglaban ang interes ng karaniwang Pilipino sinasalamin ng kanyang platapormang progresibo. Isinulong nya ang agarang pang-ekonomyang ginhawa ng masa at panlipunang reporma sa pamamagitan ng pagpapalakas ng demokratikong pamamahala at pagpapalakas ng tinig ng mamamayan sa pamahalaan.
Tagapagtaguyod ng Repormang Panlipunan at Kabutihan ng Bayan
Galing sa panggitnang saray ng lipunan ang pamilyang pinagmulan ni Teddy. Maaga niyang natutunan ang kahalagahan ng integridad, paglilingkod, at malasakit mula sa kanyang mga magulang at mas pinaunlad ng kanyang pagiging aktibista sa unibersidad.
Masasabing unang pagsabak ni Teddy sa pulitika at demokratikong pamamahala ang pag-boluntir niya sa National Movement for Free Elections (NAMFREL) noong 1986 Snap Election. Nagbigay daan ito kasabay ng sumunod na naganap na EDSA 1 People Power sa kanyang pampulitikang pagkamulat bilang aktibistang nagnanais baguhin ang lipunan.
Sa UP Los Baños kung saan nagtapos si Teddy ng kursong Sosyolohiya, naging punong-patnugot siya ng UPLB Perspective. Nahalal na pambansang tagapangulo ng College Editors Guild of the Philippines. Taong 1993, pagkagradweyt sa kolehiyo, agad siyang pumakat sa kilusang paggawa bilang direktor ng pampublikong impormasyon ng Kilusang Mayo Uno (KMU). Noong 1999, nahalal sya bilang pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) pinakamalaking multisektoral na alyansang mga progresibong organisasyon.
Taong 2001, tumatak si Teddy sa kamalayan ng publiko bilang isa sa pinakabatang lider ng EDSA People Power II. Kasabay nito, hinirang siya bilang isa sa mga komisyuner ng EDSA People Power Commission.
Mula 2004-2013, bilang mambabatas ng Bayan Muna, matapat at buong husay na ginampanan ni Teddy ang kanyang tungkulin bilang kinatawan sa kongreso ng mga manggagawa, magsasaka, at iba pang uri at sektor na nasa laylayan ng lipunan. Nang mabigong ipanalo ang karera sa senado noong 2013,nagpatuloy sa paglilingkod si Teddy sa pamamagitan ng paglubog sa hanay ng masa at paglahok sa parlyamento sa lansangan. Taong 2023 hanggang sa kasalukuyan, nanunungkulan si Teddy bilang tagapangulo ng BAYAN.
Bilang mamamahayag, naging bahagi si Teddy ng programang Hoy Gising at The Correspondents ng ABS-CBN. Kolumnista rin siya ng pahayagang Business World, People’s ?, Bagong Taiba, at Bulatlat. com.
Mambabatas ng Bayan
Makabuluhan at mabunga para sa ordinaryong Pilipino ang tatlong termino ni Teddy sa kongreso. Bukod-tangi si Teddy bilang mambabatas bunga ng kanyang integridad, tapang, husay, dedikasyon at walang-patid na adbokasiya para sa panlipunang hustisya, karapatang pantao, demokratikong pamamahala, at pambansang soberanya. Ginawaran siya ng pagkilala bilang isa sa 10 Outstanding Congressmen ng 2012 ng Publishers Association of the Philippines at Most Outstanding Congressman Award ng Congress Magazine noong 2008.
Ginamit niya ang kanyang panahon sa kongreso para maipasa ng mga batas na direktang nakinabang ang mahihirap at api. Walang pag-aatubili niyang tinalakay ang mga isyu ng korapsyon, pagkakaroon ng pananagutan at pagiging bukas ng gobyerno, gawing abot-kaya para sa masa ang mga batayang bilihin, pagpapataas ng kalidad ng buhay at trabaho ng mga manggagawa at magsasaka.
Si Teddy ang nag-awtor at nagpasa ng mga sumusunod na batas:
- Public Attorneys Act of 2007 (R.A. 9406) – Pinalakas ang Public Attorneys Office at mas pinasaklaw ang libreng serbisyong ligal para sa mahihirap.
- Tax Relief Act of 2009 (R.A. 9504) –Inalis ang pagbabayad ng withholding tax ng mga minimum wage earners na nagbigay ginhawa sa milyun-milyong mahihirap.
- Rent Control Act of 2009 (R.A. 9653) – Nilimita ang pagtaas ng renta sa mga bahay na inuupahan ng mga mahihirap na pamilya
- Anti-Torture Act of 2009 (R.A. 9745) – Ginawang ilegal ang tortyur, nagbigay ng proteksyon sa mga biktima, at pinanagot ang mga lumalabag dito.
Walang humpay na nilabanan ni Teddy ang korapsyon, nag-akda at walang-sawa siyang nananawagan para maipasa ang Anti-Dynasty Bill, ng bersyon ng kamara ng Anti-Epal Bill, ng Whistleblowers Protection and Rewards Bill, at Freedom of Information Bill.
Isa rin siya sa mga lumagda para isabatas ang pagtaas ng sahod, pagsumite ng mga hakbanging magpapababa ng singil sa kuryente, langis at tubig gayundin ang pagsulong ng mga regulasyon para mapababa ang gastos pagpapaaral, serbisyong pangkalusugan, mobile communications, toll fees, pautang, at iba pang batayang pampublikong kagamitan at serbisyo. Isinulong niya ang pagtanggal ng VAT sa kuryente, langis, tubig at toll fees. Walang-sawa niyang hinadlangan ang pagkaltas ng pondo sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad gayundin ang pagsasapribado ng mga pampublikong ospital at mga water districts.
Sa kanyang huling termino, pinamunuan ni Teddy ang Committee on Small Business and Entrepreneurship Development kung saan isinulong niya ang kagalingan ng mga micro, small, at medium enterprises at pinangunahan ang kampanyang Buy Pinoy, Build Pinoy – kampanyang nakasandig sa batayang masa na may layuning humihikayat sa publiko bumili ng mga gawang Pinoy na produkto, at pagpapaunlad ng magkakaugnay at world-class na industryang Pilipino. Naging senior vice chairperson din siya ng Committee on Higher and Technical Education kung saan itinaguyod niya ang karapatan ng kabataan sa mura at de-kalidad na edukasyon.
Sa paggampan ni Teddy sa kanyang gawaing lehislatibo at pamamahala, kahit kailan, hindi siya nasangkot sa anumang anomalya at iskandalo kaya buo ang tiwala ng mamamayan sa kanya. Sa huling termino ni Teddy sa kongreso,kinilala siya bilang ika-apat na pinakaproduktibong mambabatas – lumagda sa 178 na hakbangin at nakilagda sa 376.
Plataporma at Mga Adbokasiya para sa 2025
Sa kanyang siyam na taon sa Kongreso, napagtanto ni Teddy na ang mga mahahalagang batas para sa taumbayan — tulad ng mga batas para sa mataas na sweldo, seguridad sa trabaho, mas mababang presyo, repormang agraryo, at libreng serbisyong pangkalusugan — ay mahihirapang ipasa hangga’t hindi nawawakasan ang kontrol ng mga dinastiya sa politika, oligarkiya, at banyagang interes sa pulitika ng Pilipinas.
Kaya naman, kapag nahalal sa Senado, layunin ni Teddy na itaguyod ang mga batas na magtitiyak sa mas demokratikong pamamahala habang nagsusulong ng mga batas para sa kagyat na ginhawa sa mamamayan at magbigay ng pangmatagalang solusyon sa kahirapan at kawalan ng kaunlaran sa bansa.
Demokratikong Pamamahala at Repormang Pampolitika:
- Anti-Dynasty Act
- Whistleblowers Protection and Rewards Act
- Freedom of Information Act
- Pag-amyenda sa Party List Law
- Alisin ang mga confidential at intelligence funds at pork barrel sa pambansang badyet tungo sa mas malawak na transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan.
Mababang Presyo ng mga Produkto at Serbisyo:
- Free Health Services Act
- Alisin o bawasan ang VAT sa produktong langis at petrolyo, tubig, kuryente, at iba pang public utilities.
- Amyendahan ang EPIRA upang payagan ang pamahalaan na magtayo ng power plants at i-regulate ang power generation.
- Itigil ang pribatisasyon at magbigay ng sapat na suporta para sa mga water districts, electric cooperatives, at iba pang public utilities.
- I-buy back ang Petron at bawiin ang Malampaya Gas Project.
Disenteng Sahod at Karapatan ng Manggagawa:
- National Minimum Wage Act
- Tapusin ang kontraktwalisasyon sa paggawa
Katarungang Panlipunan at Karapatang Pantao:
- Genuine Agrarian Reform Act
- Wealth Tax para sa mga bilyonaryo
- Human Rights Defenders Act
- Pag-repeal ng Anti-Terrorism Act of 2020
- Palawakin ang kapangyarihan ng Commission on Human Rights
Pagpapaunlad ng Lokal na Industriya:
- Buy Pinoy, Build Pinoy Act
- National Industrialization Act
- People’s Mining Act
- One Million Solar Roofs Act
Gen X, Mapagmahal na Asawa at Ama
Kapag hindi abala sa pulitika, photography ang isa sa interes ni Teddy. Kamakailan, nagsimula siyang mag-vlog sa sariling YouTube channel. Masugid din siyang rider ng motorsiklo; ito ang paborito niyang paraan ng pagbiyahe sa gitna ng lumalalang trapiko sa Metro Manila. Pana-panahon din siyang lumalahok sa mga long rides kasama ang mga kaibigan.
Mahilig din si Teddy sa musika at tumutugtog ng gitara para magrelaks. Mayroon siyang nylon-string na gitara sa bahay na kanyang tinitipa para aliwin ang sarili. Mga musikang mula sa dekada 70s at 80s ang karaniwang laman ng kanyang playlist.
Mapagmahal siyang asawa sa kanyang abogadong misis at maalagang ama sa dalawa niyang anak na lalaki. Kapag nasa bahay at nakaluluwag sa panahon, paborito niyang ipamalengke at ipagluto ang kanyang pamilya. Siya at ang kanyang asawa ay nagpaplano na magretiro sa isang sakahan kung saan nila planong magtanim ng sarili nilang pagkain sa malapit na hinaharap.