Ako si Mody Floranda, tsuper. Kasalukuyang National President ng PISTON. Anak ako ng magsasaka, at anak din ako ng mangingisda.

Biktima ng Martial Law.

Noong September 21, 1972, idineklara ni Marcos ang Martial Law. September 28, ilang araw pa lang pagkatapos ng deklarasyon, ay dinakip kami at ang aming baryo ng mga Philippine Constabulary dahil nilalabanan namin ang pag-agaw sa aming lupa ng malalaking haciendero. Anim na buwang nasa kampo ang aming pamilya, kasama ko ang aking mga magulang at ang aking kapatid. Napakalaki ng epekto sa kabuhayan namin, sa baryo namin. Nang iwanan ang aming baryo ng mga PC, nakita naming naubos ang aming mga pananim. Kinain ng mga PC ang aming mga hayop. Pati bahay namin ay sinira.

Kaya naman kasama ako sa mga nakibaka para matapos ang batas militar. Pero dinakip ako, at dalawang taon akong naging biktima ng iba’t ibang tortyur sa ilalim ng militar ng diktadurang Marcos.

Nakalaya ako, kasama ng iba pang bilanggong politikal, sa tulong ng taumbayan na nag-alsa para patalsikin ang diktador.

Natapos nga ang diktadurang Marcos, pero ang tanong: may nagbago ba?

Nagpunta akong Maynila, at makalipas ng ilang taon ay naging tsuper ng pampasadang FX, sa biyaheng Cubao-Vito Cruz. Dito ko naranasan kung paano pinapahirapan ng pamahalaan ang mga driver at operator, hindi lamang ng FX kundi pati ng mga jeepney at iba pang moda ng pampublikong transportasyon. Pagkatataas na mga multa at kotong. Walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis.

At ang mismong FX kong minamaneho, naging biktima ng unang phaseout noong 2014, kung saan libo-libong driver ng FX ang nawalan ng kabuhayan para lamang magtambak dito ang mga dayuhang negosyo ng kanilang mga bagong sasakyan.

Ilang rehimen ang nagdaan pagkatapos ng diktador na si Marcos. May nagbago ba?

May nangako sa atin: change is coming. Pero dumating ang pandemya, at napilitang mamalimos ang mga tsuper at operator. Sa halip na subsidyo at tulong, phaseout ang tugon ng gobyerno. Daan libo ang nawalang jeepney sa daan, daan libo ang nawalan ng kabuhayan.

Diktadurang Marcos noon, at ngayon, Marcos na naman ang nakaupo sa posisyon. May nagbago ba?

Ngayon, tuloy-tuloy pa rin ang pagkatay sa kabuhayan sa mga tsuper at operator sa ilalim ni Bongbong Marcos. Libo-libo ang patuloy na nawawalan ng kabuhayan.

Kitang-kita na walang nagbago mula sa nakaraang mga administrasyon hanggang sa kasalukuyan. Ganoon pa rin ang kuwento: kinakamkam ng malalaking negosyante ang kabuhayan nating maliliit.

Kaya tinatanggap ng mga tsuper ang hamon ng Makabayan. Kakatawanin natin ang sektor ng public transport sa loob ng Senado. Isusulong natin ang kapakanan ng ordinaryong tsuper, operator, at mamamayan.

Unang-una, ititigil natin ang phaseout. Gagawa tayo ng mga batas para isulong ang pambansang industriyalisasyon, na magtatayo ng sarili nating mga industriya para hindi tayo tambakan lamang ng basura ng ibang bansa. Isasabansa natin ang industriya ng langis. At isusulong natin ang progresibo, makabayan, at makamasang pampublikong transportasyon.

Kaya tinatanggap ng mga tsuper ang hamon ng Makabayan. Kakatawanin natin ang sektor ng public transport sa loob ng Senado. Isusulong natin ang kapakanan ng ordinaryong tsuper, operator, at mamamayan.

Kaya… tsuper ang maghahatid ng pagbabago!

Mody Floranda, aarangkada sa Senado!

PLATAPORMA PARA SA BIYAHENG PAGBABAGO 

KONTEKSTO 

  1. Atrasado at malala ang pampublikong transportasyon ng Pilipinas.
    • Mababang transport supply 
    • Prioridad ang mga pribadong sasakyan 
    • Mataas ang pamasahe 
    • Tinatanggalan ng kabuhayan ang mga manggagawa sa transportasyon thru schemes tulad ng PTMP 
    • Walang suporta sa local manufacturing na magiging backbone ng paglakas ng public transpo 
    • Negosyo ang transportasyon, minomonopolyo ng malalaking dayuhang kompanya at mga malalaking lokal na negosyante ang ating public transpo. Ginagawang gatasan ng mga politiko at negosyante ang mga public transport infrastructure projects (kaya mas maraming roads and rails) 
  2. Patuloy na tumataas ang presyo ng langis 
    • Monopolyado ng malalaking dayuhang kartel sa langis ang suplay, kaya sila din ang nakakapagdikta ng presyo. Nakakakuha ng supertubo dahil hindi transparent sa presyuhan dahil sa Oil Deregulation Law. 
    • Patong–patong na mga buwis sa langis, na ginagawang gatasan din ng mga burukrata instead na napupunta sa mga serbisyo publiko 
    • Dahil tumataas presyo ng langis, tumataas presyo ng mga produkto
  3. Kawalan ng pambansang industriya 
    • Import-dependent, export-oriented 
    • Kulang ang trabaho, bagsakan lang tayo ng surplus ng ibang bansa
    • Wala tayong kontrol sa sarili nating mga natural resources, hindi tayo ang nakikinabang sa sariling labor power 
    • Wala tayong local manufacturing, ang mga industriya din natin ay to exploit our labor (hal., assembly) 
  4. Tsuper at taumbayan ang pag–asa 
    • Mas alam ng mga tsuper at karaniwang mamamayan kung ano ang kanilang kailangan, at paano lulutasin ang kanilang mga batayang problema 
    • Si MF ay galing sa pamilya ng magsasaka at mangingisda na tinangkang agawan ng lupa; naging tsuper siya ng FX na inagawan naman ng kabuhayan
    • Sa mahigit isang dekada niyang kumikilos sa PISTON, at sa pagiging National President niya ng PISTON, namuno siya sa masang tsuper, operator, at komyuter upang ipaglaban ang karapatan sa tiyak na kabuhayan, kontrol sa ating likas na yaman, mas mababang presyo ng petrolyo, at pambansang industriyalisasyon. 

PLATFORM

  1. Progresibo, Makabayan, Makamasang Pampublikong Transportasyon
    • Pagpapatigil ng phaseout, pagtutulak ng katiyakan sa kabuhayan ng mga transport worker 
    • Paggawa ng programa para sa pagpapataas ng transport supply thru local manufacturing 
    • Pagbibigay-prioridad sa public transport kaysa sa pribadong sasakyan
    • Pagsisiguro na inclusive, sapat, abot-kaya ang public transport
  2. Pagpapababa ng presyo ng langis 
    • Pagtatanggal sa patong-patong na buwis sa langis 
    • Pagre-repeal ng oil deregulation law, pagbabalik sa kapangyarihan ng mamamayan na malaman ang breakdown ng presyo ng petrolyo at pagkakaroon ng kontrol sa pag-apruba nito 
    • Pagsasabansa ng industriya ng langis 
  3. Pagtataguyod ng pambansang industriyalisasyon 
    • Pagpapalakas at pag-subsidize sa local manufacturing 
    • Pagpapalakas ng mga SMEs at mga lokal na R&D 
    • Pagtatanggal ng mga di-pantay na treaties at policies na labis-labis na nakakiling sa foreign industries at manufacturing (hal., CARS Program)