Tungkol kay Mimi
Si Eufemia “Mimi” Doringo ay pangatlo sa limang magkakapatid, ipinanganak noong Nobyembre 14, 1975 sa Balud, Masbate ngunit lumaki at nagkamalay sa kamaynilaan.
Ang kanyang ama na si Nestor Tintina Pet ay isang mangingisda na buwanan kung pumalot sa dagat para maghanapbuhay bago naging isang Overseas Filipino Worker sa Saudi Arabia sa loob ng 24 taon.
Ang kanyang ina naman na si Helen Delos Reyes Kabug ay naging isang labandera upang tugunan ang gastusin ng mga anak noong panahon kinakapos ang ipinapadala ng mister.
Simple ang naging pamumuhay ni Mimi mula pagkabata, may sapat na kinakain, at may maayos na paninirahan kahit pa madalas kung lumipat ng bahay na inuupahan. Nagtapos si Mimi ng elementarya sa Tandang Sora Elementary School (Kasalukuyang Don Placido Del Mundo Elementary School) at muntikan nang di makapagtapos ng sekondarya sa Capitol Institute dahil sa polisiya ng paaralan na “no permit, no exam” bunga ng kakapusan sa kabuhayan, mabuti na lang ay napag-ambagan ng kanyang mga kaklase at kaibigan ang kanyang matrikula.
Di na nagkaroon ng pagkakataon at oportunidad si Mimi na tumungtong sa kolehiyo dahil sa kahirapan ng buhay. Kaya sa edad na 19 ay nagsimula na siyang magtrabaho sa factory ng make up ng Ever Bilena.
Dito niya unang nasaksihan at naranasan ang pagsasamantala sa mga manggagawa. Dalawang taon siyang kontraktwal sa pagawa bago naging regular na empleyado, naging bahagi siya ng isang ispontanyong sit-in protest sa loob ng pagawaan matapos hindi ibigay ng kumpanya ang kanilang holiday pay, at pilit na pinapalipat ang mga regular na empleyado sa ahensya upang makaiwas ang kumpanya sa mga pananagutan at benepisyo sa mga manggagawa.
Sa trabaho niya rin nakilala ang kanyang asawa na si Andy na noo’y isang delivery helper. Taong 2001 nang siya ay nagpamilya. Matapos ang 15 taong paggawa sa Ever Bilena ay pinili ni Mimi na manatili sa bahay bilang isang ina at asawa.
Ilang taong nagpalipat-lipat ang pamilya ni Mimi ng upahang bahay bago tumira sa isang komunidad sa tabi ng Tullahan river sa Caloocan noong 2007.
Taong 2009 nang maranasan ni Mimi at ng pamilya niya ang hagupit ng bagyong Ondoy. Tanging limang buwang anak niya lang ang kasama ni Mimi sa bahay, ilang araw na walang tigil ang pagbuhos ng ulan hanggang sa tumaas ang tubig sa ilog at pumasok sa mga kabahayan. Tanaw ni Mimi mula sa nilikasang lugar kung paano magkumahog na umakyat sa bubong ang mga kapwa niya maralita para makaligtas, kita niya kung paano anudin ng baha ang kanilang mga gamit at kabahayan. Walang naisalba si Mimi at kanyang pamilya ni isang gamit. May trauma man sa naranasang sakuna, walang ibang pagpipilian si Mimi at mga kapwa niya maralita kundi bumalik sa kanilang komunidad dahil narito ang kanilang kabuhayan.
2012, Naging kasapi si Mimi ng kanilang samahan sa komunidad na nagsusulong ng people’s plan pangunahin ang pagkakaroon ng maayos na in-city relocation para sa kanilang mga informal settler at naninirahan sa danger zone.
2014 nang sila ay marelocate sa Camarin Residences, isang resettlement na mga mid-rise building na may 24 square meters bawat unit. Ang inaakala ni Mimi na mas maayos na pamumuhay sa relocation site ay taliwas pala sa inaasahan. Nagkaroon man ng kongkretong tirahan at bubong na sisilungan, tila tinataga naman sila ng iba’t-ibang singilin na lubhang mas malaki kumpara noong naninirahan pa sila sa tabing-ilog tulad ng amortization, singil sa tubig, kuryente, atbp.
Dito nagsimulang manindigan si Mimi para sa karapatan nilang mga maralita at kwestyunin ang gobyerno sa kanilang mga proyekto na dapat sana ay serbisyo pero pwerwisyo ang kanilang naranasan. 2015, naging lider si Mimi ng Women Wise, isang samahan ng mga kababaihan na naglalayong mabigyan ng trabaho at mapalaya ang mga kababaihan sa iba’t-ibang porma ng karahasan. Dito, lumikha ang grupo ng mga livelihood projects tulad ng paggawa ng basahan habang patuloy na ipinapanawagan na gawing abot-kaya ang singil sa amortization, tubig, at kuryente.
Itinalaga si Mimi bilang tagapagsalita ng Camarin Residence, siya ang dumalo sa mga pagdinig sa kongreso tungkol sa PhP1.8B convergence fund na ipinangako para sa 18 relocation sites sa ilalim ng programang ‘Oplan Likas’. Kasama siya sa pagbusisi kung saan napunta ang pondo nakalaan sa bawat programa ng iba’t-ibang ahensya.
Dahil sa patuloy na pagbibingibingihan ng gobyerno sa kabila ng ilang beses na pagpapadala ng sulat, dayalogo, at pagpapanawagan ng mga maralita, ganap na naorganisa si Mimi sa Kadamay noong 2017. 2018 ay naitalaga si Mimi bilang pambansang tagapagsalita ng Kadamay hanggang sa naging pambansang pangkalahatang kalihim noong 2020.
Mula nang ma-organisa sa Kadamay ay buong panahon nang kumilos si Mimi bilang lider at organisador ng mga maralita hindi lamang sa kanilang komunidad sa Caloocan kundi hanggang sa buong bansa.
Isa si Mimi sa mga nanguna sa laban ng mga maralitang nag-occupy ng pabahay sa Bulacan para maging lehitimong benipisyaryo ng mga tiwangwang na bahay sa pamamagitan ng pagbibigay ng loan agreement ng NHA sa mga nag-okupa.
Kasangga si Mimi ng mga maralita ng Sityo San Roque, Tatalon, Payatas, at iba pang komunidad laban sa iba’t-ibang porma ng atake sa kanilang paninirahan, kabuhayan, at karapatan lalo sa panahon ng pandemya. Aktibo siyang nagsasalita at nagbibigay ng kuro-kuro kung paano mas epektibong haharapin ng mga komunidad lalo ng kanilang mga lider ang paglaban sa kanilang mga kagalingan.
Kabalikat siya ng mga mangagawa sa sektor ng transportasyon sa kanilang hinaing sa nakalulunod at walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at walang pusong PUV modernization program.
Naging malakas na boses din siya ng maralita sa mga usaping apektado ang mahihirap tulad ng militaristang lockdown sa pagsimula ng pandemya, demolisyon, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kawalan ng trabaho, at karahasan ng gobyerno sa mga mahihirap at aktibista.
Siya mismo ay biktima ng ilang beses na karahasan ng mga ahente ng gobyerno. Taong 2017 nang una siyang nilapitan ng NCRTF-ELCAC para hikayating tumigil sa pagkilos kapalit ng mga materyal na bagay na mariing tinanggihan ni Mimi dahil mas mahalaga sa kanya ang paglaban para sa nakararami kesa sa personal na kaginhawaan sa buhay. 2021, ay idineklara siyang Persona non grata sa Pandi, Bulacan dahil sa kanyang pagsasalita at paglalantad sa kapabayaan ng lokal na pamahalaan ng Pandi sa kanilang mga nasasakupan. Hanggang sa kasalukuyan ay nanatili ang banta sa kanyang seguridad dahil sa kanyang mga buong pusong ipinaglalaban, ang karapatan ng mga kapwa niya maralita.
Sa kasalukuyan si Mimi ay nanatiling maybahay sa kanyang asawa, ina sa tatlong anak, at lola sa dalawang apo kasabay ng kanyang pagiging pambansang lider-maralita at organisador.
Plataporma ni Nanay MIMI DORINGO, kapwa mo maralita!
Kagaya ng maraming mahihirap, na-demolish ang tahanan ni Nanay Mimi Doringo at ngayo’y naninirahan siya sa relocation site sa Camarin Residences, North Caloocan. Para itawid ang pamilya, gumagawa at nagtitinda siya ng basahan kasabay ng pagiging pambansang lider para sa kapwa mahihirap.
Bilang pambansang Secretary-General ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o KADAMAY, nangunguna si Nanay Mimi Doringo sa iba’t ibang laban ng maralitang Pilipino para sa karapatan sa paninirahan, disenteng kinabukasan, serbisyong panlipunan at suportang ayuda! Sa lansangan, saan mang tanggapan ng gobyerno, hanggang sa komunidad at tipunan ng bawat barangay, bitbit ni Nanay Mimi Doringo ang hinaing ng maralitang Pilipino.
Hindi katulad ng ibang politiko na ginawang negosyo ang gobyerno, handang maglingkod si Nanay Mimi Doringo. Kabisado ang problema ng mahirap dahil danas niya ito kagaya natin!
Nanay Mimi Doringo, Kapwa mo para sa:
- Katiyakan sa paninirahan – Gobyerno ang nagpaparami ng homeless!
- Ipapatigil natin ang demolisyon at sapilitang pagpapalayas sa maralitang Pilipino mula sa kanilang mga tahanan. Gagawa tayo ng hakbang para sa tunay na disente, pang-masa at abot-kayang pabahay ng gobyerno. Una ang tao at komunidad, hindi ang mga malalaking proyektong pang-komersyo!
- Disenteng kabuhayan – Walang nalilikhang trabaho ang gobyerno!
- Itataguyod natin ang kapwa manininda, drayber, manggagawa, labandera, rider at iba pa, na magkaroon ng trabaho na sasapat sa pamilya.
- Murang bilihin – Ang mahal ng bilihin sa palengke, tulala ang gobyerno!
- Kokontrolin natin ang presyo ng bilihin habang tinitiyak na di nalulugi ang mga vendor. Usigin natin ang mga kartel at maglaan tayo ng subsidyo para sa mabawasan ang presyo, hindi para sa bulsa ng mayayaman at kurakot!
- Ayuda at suporta tuwing may sakuna – Mahihirap ang kawawa sa bagyo’t baha, kapos ang tugon ng gobyerno!
- Imbis na panay flood control at seawall na maya’t maya nabibiyak, gumawa tayo ng naka-ayon sa kalikasan at mas matibay na pangkontra sa baha. Hindi natin babaratin ang ayuda sa kapwa maralita na taon-taon nabibiktima ng matinding kalamidad!
- Nanay Mimi Doringo, kapwa mo para sa pagbabago!
- Huwag na tayong umasa sa parehong mga mukha, mga mayayaman at walang pake sa ating mahihirap. Dito tayo sa kapwa natin, na magsusulong ng interes ng kagaya natin at lalaban sa kabulukan, katiwalian, pagiging tuta sa dayuhan ng mga trapo at dynasty.
Panahon na para magkaroon ng boses ang kagaya nating mahihirap sa Senado. Nanay MIMI DORINGO, Kapwa mo!