Renato Reyes, Jr
BAYAN President at Makabayan campaign manager
Agosto 26, 2024
Mga kababayan, mga kapatid,
Narinig nyo na ba ang latest? Tatakbo daw ang Makabayan sa senado. Hindi na lang daw isa o dalawa, kundi marami na sila.
Mula nang inanunsyo ng Makabayan ang kapasyahan nitong magpatakbo ng sariling slate, upang ialay ang sarili bilang oposisyon ng bayan, slate na bubuuin ng iba’t ibang aping sektor ng lipunan, nakatanggap tayo ng samu’t saring reaksyon.
May mga nagtaka. Kung susumahin ang mga reaksyon, parang ang sinasabi, “Baliw ba kayo? Paano kayo magpapatakbo ng marami eh wala naman kayong pera?”
Sagot natin: Maraming nangarap ng pagbabago ang tinawag ding baliw. Si Andres Bonifacio, tingin nyo ba di sya tinawag na baliw at nasisiraan ng ulo nang nangarap syang maging malaya ang mga Pilipino mula sa mga Kastila?
Wala tayong pera, di tayo tulad ng mayayaman, totoo. Pero huwag nilang maliitin ang kakayanan ng mga mahihirap na magtulungan, magdamayan at mag-ambagan.
May nagtanong, bakit naman kayo magpapatakbo ng manggagawa at magsasaka para senador?
Sagot natin: Bakit hindi? Bakit sa isang lipunan na nagsasabing ito ay demokrasya, hindi pwedeng tumakbo ang mga nagmumula sa pinakamalaking sektor ng lipunan? Bakit laging itsapwera ang mga mahihirap? Pag di sikat, out na agad? May karapatan at may kakayanan ang mga manggagawa, magsasaka, mga maralita, mga teacher, mga karaniwang tao na marinig ang boses nila.
At sa totoo lang, ang ating mga kandidato, simple man ang kanilang pinagmulan, ipinagmamalaki natin sila. Ipinagmamalaki nating hindi sila nagnakaw. Ipinagmamalaki nating hindi sila nagpayaman. Ipinagmamalaki nating hindi sila nang-api ng kapwa.
Hindi sila puro pangako, at porma. Ang ating mga kandidato, may programa, may plataporma – pambansang demokrasya. Panahon na para ipabatid sa pinakaraming mamamayang Pilipino na may buhay na alternatibo sa impyernong kinasasadlakan natin. Reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, libreng seribsyong panlipunan, nakabubuhay na sahod, demokrasyang bayan, nagsasariling patakarang panlabas, pantay na pagtrato sa lahat ng kasarian, kalayaan mula sa mga dayuhan, sariling pagpapasya ng mga pambansng minorya at paggalang sa karapatang pantao.
Eh bakit kayo sa Makabayan ang iboboto?
Sinagot na po yan ni Harry Roque nung isang araw. Napanood nyo ba?
Sabi ni Harry Roque, hindi na po ito labanan ng mga Duterte at Marcos. Ang laban po ngayon ay pwersa ng kadiliman laban sa pwersa ng….. Kasamaan!
At yan ang dahilan kung bakit tayo tumatakbo. Alangan namang ang pagpipilian lang ng mga Pilipino ay pwersa ng kadiliman o kasamaan. Hindi!
Ngayong araw sinasabi natin na may alternatibo. May pagpipilian. May bagong pag-asa. May magagawa tayo. Dahil sa wakas, meron tayong pagkakataon para maglagay ng katulad natin sa senado. Narito na ang pagkakataon na maglagay ng taumbayan sa senado.
Kung may nagtataka at nagduda, maniwala kayo, madami din ang nagpahayag ng suporta. Mga simpleng tao na nabuhayan ng loob dahil sa wakas, may mga kandidatong mula sa hanay nila. Ewan ko sa inyo, sa dami ng eleksyong nakita ko, ngayon lang ako nakaramdam ng kakaibang excitement. We have very good candidates, supported by their sectors and communities. Ikakampanya natin sila kahit mamaos tayo. Aabutin natin ang lahat ng sulok ng bansa. Kakausapin natin ang mamamayang matagal nang nasusuya sa umiiral na kalakaran.
Mga kababayan mga kapatid, narinig nyo na ba ang latest? Tatakbo ang Makabayan sa Senado, taumbayan ang ipapanalo. Tayo na sa pagbabago!
One response to “Bakit tatakbo ang Makabayan sa Senado?”
Hi, this is a comment.
To get started with moderating, editing, and deleting comments, please visit the Comments screen in the dashboard.
Commenter avatars come from Gravatar.