Baguhin na natin ang bulok na kalakaran

Opening statement ng Makabayan
Pebrero 11, 2025

Puspos ng diwa ni Andres Bonifacio at mga bayani ng bansa, ang Makabayan kasama ang mga kandidato nito sa pagka-senador at partylist, ay pormal na sisimulan ngayong araw ang opisyal na kampanya para sa halalang 2025.

Ngayon pa lamang ay nais na naming ilinaw na ang ating kampanya ay kaiba sa tradisyunal na kampanyang nakasalalay sa bilyong-pisong pondo at poder ng gobyerno.

Kung ang mga tradisyunal na pulitiko at political dynasties ay gagastos ng bilyon-bilyon para sa media ads, ang Makabayan ay susuong sa iba’t ibang sulok ng bansa upang tuwirang maabot at makausap ang ating mga kababayan. Kami ay magbabahay-bahay, iikot sa mga palengke, terminal at paaralan, tatawid ng mga ilog at pilapil upang direktang makaugnayan ang mga pinaka-aping sektor ng lipunan.

Kung ang mga tradisyunal na pulitiko at mga dynasty ay aasa sa “entertainment” at pag-aaliw sa mga botante, ang Makabayan ay nangangakong tatalakayin ang mga isyung pinakamatindi ang epekto sa ating mga kababayan: mataas na presyo, mababang sahod, talamak na kurapsyon, kawalan ng soberanya at tunay na demokrasya. Plataporma, hindi gimik.

Kung ang mga mayayamang kandidato at ang estado ay gumagamit ng dahas para supilin ang boses ng mamamayan, ang Makabayan ay nangangako na higit na bibigyang tinig ang pinaka-api sa lipunan.

Kung ang mga pulitiko ay nagsasama-sama sa “unity” na nakabatay lang sa makitid na interes nila, tinitiyak ng Makabayan na ang pagsasama-sama nito ay naayon sa prinsipyo at programa, para sa pambansang demokrasya.

Kung ang mga political dynasty at mga naghaharing uri ay naniniwala na ang eleksyon ay paraan para palawigin ang kanilang poder at panatiliin ang bulok na sistema, ang Makabayan ay naniniwala na ang eleksyong ito ay gagawin nating paglalantad at pagtatakwil sa bulok na sistema matagal nang pinakikinabangan ng iilan.

Sawa na ang tao sa paulit-ulit na panlilinlang at pagpapa-asa. Ngayon, may pagpipilian ang taumbayan, hindi lang kadiliman at kasamaan, hindi lang Marcos at Duterte. Piliin natin ang mga kandidatong senador mula sa hanay ng taumbayan. Piliin natin ang mga partylist na tunay na kakatawan sa mga inaapi.

Tayo na at humakbang, walang takot at walang alinlangang baguhin ang umiiral na kalakaran. Panahon na.

Sulong, Makabayan.

Posted by

in