Ganito ang administrasyon ni Pres. Marcos Jr. sa harap ng lumalalang kahirapan at korapsyon sa bansa at kawalang pananagutan ng mga tiwali at kriminal na opisyal ng gobyerno.
Kung naghahanap tayo ng tunay na kaunlaran at matinong pamamahala, wala tayong mahihita sa rehimeng ito. Puro yabang sa ampaw na paglago ng ekonomya. Puro dada laban sa korapsyon pero walang hakbang sa pagpapanagot sa mga kurakot.
Lumaki raw ang gross domestic product (GDP) nang 5.6% noong 2024, sabi ng Philippine Statistics Authority (PSA). Pero walang kabuluhan ito para sa masa na walang trabaho at kung may trabaho ay sahod-alipin. Poverty under Pres, Marcos is the worst in the past two decades.
Nasa 63% ng mga pamilyang Pilipino ang nagsabing mahirap sila, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Disyembre 2024. Ito na ang pinakamataas mula nang magtala ng 64% noong Nobyembre 2003. Samantala, halos 26% naman ng pamilyang Pilipino ang nagsabing nakaranas sila ng gutom – pinakamataas mula noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Kaya kung tutuusin, mas masahol pa sa pandemya ang rehimeng Marcos at mga programa nito kung epekto sa kabuhayan ng mamamayan ang pag-uusapan. Tuluy-tuloy ang pagsirit ng presyo ng pagkain, lalo na ang bigas, gayundin ng iba pang batayang bilihin gaya ng petrolyo. Bunga ito ng pagpapatuloy ni Pres. Marcos ng mga patakaran ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon na lubhang paborable sa tubo ng negosyo habang pahirap sa masa.
Napakagalante ni Pres. Marcos sa mga dambuhalang negosyo, kabilang ang kanyang mga kroni at dayuhan. Panay ang bigay ng malalaking kontrata at proyekto at katakut-takot ang mga tax incentives. Pero ang kuripot sa manggagawa. Nasa kalahati lang ng cost of living ng isang pamilya ang minimum wage ngayon sa Metro Manila. Mas maliit pa nga ang sahod at mas mataas ang cost of living sa mas mahihirap na rehiyon gaya sa Mindanao.
Sa gitna ng napakalubhang kahirapan at gutom, kaliwa’t kanan naman ang mga kaso ng paglustay sa kaban ng bayan. Si Pres. Marcos ang pinakamalaking hadlang sa pag-usad ng impeachment complaints laban kay VP Sara Duterte. Wag nating kalilimutan na nasa P612.5 milyon ng confidential fund ng Office of the Vice President ang kwestyonableng nilustay ni Sara, kabilang ang may P125 milyon na winaldas sa loob lamang ng 11 araw.
Imagine, milyun-milyong pondo ng bayan ang bigla na lang nawala habang milyun-milyong maralita ang hindi alam paano kakain, kung saan pupunta kapag nagkasakit, kung paano pag-aaralin ang kanilang mga anak. Kung para kay Pres. Marcos ay hindi ito sapat na batayan para i-impeach si VP Sara, wala tayong aasahang hustisya sa rehimeng ito. Kung di aaksyon si Pres. Marcos sa napakaliwanag na kaso ng katiwalian, sangkot sya mismo sa katiwalian. Di ito nakapagtataka sa mga Marcos na napakahaba ng kasaysayan ng pamilya sa pagnanakaw at pang-aabuso gamit ang estado poder.
Hindi dapat tumigil ang mamamayan sa paniningil sa rehimeng Marcos sa patung-patong nitong pananagutan. Collective action is the people’s best hope to demand justice for the worsening poverty, corruption, and lack of accountability under the Marcos regime. ###
Leave a Reply