![](https://i0.wp.com/makabayan.ph/wp-content/uploads/2024/12/makabayan-cover-photo-arambulo.jpg?resize=1708%2C750&ssl=1)
Ronnel “Isdabest” Arambulo | Mangingisda, Isdabest sa sa Senado! Mangingisda Naman
Personal na Buhay:
- Isinilang noong May 18, 1976 sa Malakaban, Binangonan Rizal
- Nagtapos ng pag-aaral sa Janosa National High School
- Mangingisda mula Laguna de Bay
Karanasan sa Pulitika bilang Organisador at Lider-Mangingisda:
- National Vice Chairperson, PAMALAKAYA – 2023 onwards
- Barangay kagawad – Malakaban – 2013-2019
- Chairperson, Anakpawis – Rizal – 2012
- Chairperson, Anakpawis – Binangonan – 2010
- PAMALAKAYA – 2007 onwards
- Anakbayan – 2005-2006
Mga nagawa:
- Mula 2008, si Arambulo ay naglilingkod bilang lider-mangingisda na nagsusulong ng mga karapatan at kapakanan ng maliliit na mamalakaya.
- Nangunguna sa mga lokal na kampanya sa pagdepensa ng mga komunidad sa mga baybayin at pook-pangisdaan laban sa reklamasyon, kumbersyon, at pribatisasyon.
- Kampeon sa pambansang soberanya at territorial integrity, kaanib ng mga mangingisda ng Zambales at iba pang bahagi ng Gitnang Luzon sa kahilingan na palayasin ang mga dayuhang pwersa mula sa karagatan ng Pilipinas.
Bahagi si Arambulo sa mga kilos-protesta laban sa dayuhang pag-uupat ng digmaan sa karagatan ng bansa, kabilang ang:
- July 12, 2021: Coastal protest sa Botolan, Zambales upang markahan ang ikalimang taon ng arbitration ruling sa South China Sea. Nilahukan ito ng mga lokal na mangingisda mula sa mga bayan ng Botolan at Sta. Cruz;
- July 12, 2023: Kilos-protesta sa Chinese Consulate kasama ang iba’t ibang mga sektor ng lipunan upang batikusin at tutulan ang mga agresibong hakbang ng Tsina sa West Philippine Sea;
- May 29-30, 2024: Collective fishing expedition sa Masinloc, Zambales upang igiit ang karapatan sa pangisdaan sa gitna ng unilateral fishing ban ng Beijing, China. Nanawagan rin sa pagtigil ng militarisasyon sa exclusive economic zone ng bansa; at
- July 12, 2024: Protestang-dagat sa Subic, Zambales upang markahan ang ikalimang taon ng arbitration ruling sa South China Sea.
Si Ronnel Arambulo ay isang tunay na kinatawan ng maliliit na mangingisda, bitbit ang kanilang mga karanasan at laban. Hindi lamang siya mangingisda, kundi isang lider na lubos na nauunawaan ang hirap at pagsisikap ng bawat mangingisda. Nais niyang tahakin ang makabayang daluyong tungo sa pagbuo ng haligi ng pambansang industriya at makamasang paggamit ng ating likas na yaman para sa kapakanan ng bawat mamamayan na hindi para sa mga dayuhan o iilang mayayaman! Si Arambulo ang tagapagtanggol ng masa, hindi para sa pansariling interes, kundi para sa kapakanan ng bawat Pilipino.
Plataporma para sa Kampanyang Elektoral ni Ronnel Arambulo
Nakabalangkas ang plataporma sa tunay na reporma sa pangisdaan kung saan ang sentral na layunin at batayang prinsipyo ang pagbubuwag sa monopolyo-kontrol ng mga mapagsamantalang lokal at dayuhang negosyo sa mga pook-pangisdaan, yamang-dagat, at baybayin, habang kikilalanin ang eksklusibong karapatan ng mga maliliit na mangingisda at mamamayang Pilipino sa mga naturang rekurso.
Agenda sa Sektor ng Pangisdaan
- Isusulong ang eksklusibong karapatan ng mga maliliit na mangingisda sa mga munisipal na pook-pangisdaan at baybayin
- Kikilalanin ang karapatang makapangisda ng mga maliliit na mangingisda sa 15-kilometrong munisipal na pangisdaan.
- Ipaglalaban ang karapatan sa panirahan sa mga baybaying-dagat at lawa. Ipagbabawal ang demolisyon at iba pang tipo ng sapilitang pagpapalikas sa mga mangingisda.
- Pagbuwag sa monopolyo-kontrol ng mga malalaking negosyo at dayuhan sa pook-pangisdaan
- Mahigpit na ipagbabawal ang mga komersyal na pangisdang may bigat na 3.1 gross tons pataas sa mga munisipal na pangisdaan. Kabilang dito ang mga mapanirang paraan ng pangingisda tulad ng trawl, baby trawl, sudsod, super lights, pangulong, atbp.
- Paglimita sa mga pribadong akwakultura at palaisdaan na saklawin ang mga komunal na pangisdaan. Mahigpit na ipapatupad ang 10% carrying capacity, partikular sa mga inland water, para sa mga akwakultura.
- Papawiin at rerepasuhin ang mga umiiral na batas at polisiya sa pangisdaan na pahirap sa mga maliliit na mangingisda
- Isusulong ang pagpaparepaso sa mga kontra-mangingisdang batas tulad ng Fisheries Code of 1998 at mga amyenda nito. Sa minimum, ipapawalambisa ang mga mapanupil na probisyon tulad ng zoning ordinance, fishpond and foreshore lease agreement, at ang mga idinagdag na amyenda laban sa mga tinaguriang illegal, unreported, and unregulated (IUU) fishing na sa aktwal ay pagsupil sa mga maliliit na mangingisda.
- Ipapatigil ang importasyon ng isda na lubhang nakakaapekto sa lokal na mga mangingisda. Sa halip, pauunlarin ang lokal na produksyon at aabandunahin ang mga polisiyang lumilikha ng artificial shortage katulad ng mga walang batayang fishing ban at closed season. Pauunlarin rin at itataguyod sa mga lokal na palengke ang iba’t ibang klaseng isda na alternatibo sa karaniwang inaangkat tulad ng galunggong, bonito, mackerel abtp.
- Kikilalanin ang mga batayang karapatan ng mga manggagawa sa mga barkong palakaya at malalawak na palaisdaan
- Papawiin ang mga di-pantay na kaayusan sa mga malalaking barkong palakaya at malalawak na palaisdaan na mapagsamantala sa mga manggagawang mangingisda.
- Isusulong ang seguridad sa paggawa (security of tenure) at iba pang benepisyo para sa mga manggagawang mangingisda.
- Papawiin ang di-pantay na hatian
- Papawiin ang mapagsamantalang sistema ng konsignasyon at di-makatwirang presyuhan sa mga produkto ng mangingisda
- Itutulak ang pamahalaan, sa pamamagitan ng DA-BFAR, na tupdin ang mandato nitong direktang bilhin ang produkto ng mga mangingisda sa makatwirang halaga
- Ipapatupad ang balanse at sustenableng pangingisda at pangangalaga sa kalikasan
- Mahigpit na ipagbabawal ang mga mapanirang proyekto tulad ng reklamasyon, dredging, offshore mining, at lahat ng anyo ng kumbersyon at pribatisasayon.
- Ipagbabawal ang mga mapanirang pamamaraan ng pangingisda (cite illegal methods)
- Masusing pag-aaralan ang pagpapatupad ng mga marine protected area at marine sanctuary na hindi sasagka sa kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda.
- Kokonsultahin kapwa ang mga mangingisda at progresibong siyentista sa kung anong mga lugar ang nararapat na isailalim sa MPA.
- Pagpapalakas ng lokal na produksyon sa pamamagitan ng sistematikong suporta ng estado lalo sa panahon ng kalamidad at iba pang pang-ekonomikong krisis
- Maglalaan ng karampatang pondo para sa subsidyo sa mga mangingisda sa panahon ng kalamidad tulad ng bagyo, Habagat, at iba pang krisis pang-ekononiko tulad ng inflation
- Hindi bababa sa P15, 000 production subsidy kada buwan na hindi makapalaot, para maibsan ang nawalang kita ng mangingisda. Nakabatay ang halaga sa average na kita ng isang mangingisda sa kada buwan
- Nagsasariling patakarang panlabas
- Itataguyod ang patakarang panlabas na nagsasarili at hindi nakasandig sa dayuhan.
- Isusulong ang pagbaklas sa mga makaisang-panig at makadayuhang kasunduang pangkalakalan, pang-ekonomiya, at pangmilitar na nagtatali sa Pilipinas sa dikta ng dayuhan
- Isusulong ang proteksyon ng mga Pilipinong mangingisda sa ating teritoryal na pangisdaan, mula sa pang-aabuso ng mga dayuhan.