Danilo “Ka Daning” Ramos, Magsasaka, itanim sa Senado! Magsasaka Naman
Si Danilo ‘Ka Daning’ Ramos ay isang lider-magsasaka, totoong lumaki sa farm at may lampas 40-taong karanasan sa pagtataguyod ng karapatan ng mga magbubukid at mga ordinaryong Pilipino.
Isinilang siya sa Malolos, Bulacan noong Setyembre 1956. Nakapagtapos ng elementarya sa Sta. Isabel Elementary School. Naging construction worker, tricycle driver at utility worker. Sa edad na 68, nagtatanim pa rin siya ng palay, gulay, saging at iba pa pananim sa kanyang maliit na sakahan. Naging katekista at Parish Council Member din siya noong kabataan niya.
Dagdag pa, naging lider siya ng Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan, Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon, at kasaluyang tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Mula noon hanggang ngayon, aktibo siyang kumikilos para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.
Bilang lider-magsasaka, dumadalo at nagsasalita siya sa mga dayalogo sa DA, DAR, NIA, LGUs at iba pang ahensya ng gobyerno. Naging resource person siya sa mga Senate at Congressional hearings kaugnay sa isyung pangmagsasaka partikular na ang Rice Liberalization Law at Anti-Agricultural Smuggling.
Naging delegado siya sa iba’t ibang kumperensya sa loob at labas ng bansa tulad ng mga aktibidad ng Asian Peasant Coalition (Bangladesh), UN FAO (Italy), World Social Forum (Brazil), at International Conference on Sustainable Agriculture and Practices (Europe).
Palagi rin siyang kasama sa paghahatid ng tulong sa mga magsasaka sa mga relief delivery operations sa panahon ng El Nino, pagbaha, at iba pang kalamidad.
ANO ANG PLATAPORMA NI DANILO RAMOS?
- Paunlarin ang kanayunan sa buong bansa at bigyan ng prayoridad ang kagalingan at interes ng mga magsasaka at masang anakpawis.
- Libreng ipamamahagi ang lupa sa mga nagbubungkal, bilang pagkakamit ng katarungang panlipunan. Isulong ang tunay na reporma sa lupa at planuhin ang pagpapatupad ng pambansang industriyalisasyon.
- Imodernisa ang agrikultura para maging sustenable, paunlarin ang mga rural industries at abutin ang sariling kasapatan sa pagkain ng bansa.
- Iangat ang kita at kabuhayan ng mga magsasaka, manggagawang agrikultural, at mangingisda ng bansa
- Tiyaking maipatupad ang libre at sapat na sistema ng irigasyon, pasilidad para sa post-harvest, at suporta para sa pagbebenta, presyo at produksyon.
- Matigil ang malawakang kumbersyon ng lupa at tanim. Proteksyon at preserbasyon ng mga lupaing agrikultural, lalo na ang nakalaan sa pagkaing butil (rice and corn).
- Protektahan ang lokal na agrikultura mula sa import at smuggling. Palakasin ang lokal na produksyon ng mga pagkain nang hindi umaasa sa importasyon. Ibaba ang presyo ng bigas, maging sapat, aksesible at ligtas para sa taumbayan.
- Isusulong ang pagpapaunlad at proteksyon sa industriya ng poultry at livestock ng bansa.
- Subsidyo para sa produksyon at karampatang kompensasyon para sa magsasaka, mangingisda at manggagawang agrikultural na biktima ng kalamidad (natural at man-made calamities).
- Mapatigil ang mapanira at mapaminsalang proyekto ng pagmimina at megadams.
- Isulong ang likas kayang pagsasaka (sustainable agriculture), pangangalaga at pagpaparami ng tradisyunal na binhi na hindi nakapakete sa mapaminsalang kemikal. Adbokasiya sa panawagang “No to GMOs sa bansa.
- Paggalang sa karapatang pantao, karapatan sa pagbubuo ng samahan, at mawakasan ang impunidad.