Si Arlene Brosas ang kasalukuyang kinatawan ng Gabriela Women’s Partylist sa Kongreso at subok na sa halos dalawang dekadang pagtataguyod ng karapatan at kagalingan ng kababaihan, mga bata at sambayanan

Naging bahagi siya ng pagbubuo ng Anti-Child Pornography Alliance, na siyang naging daan sa pagsasabatas ng Anti-Child Pornography Law. Naging tagapagsalita ng Save Nena Campaign para labanan ang pang-aabuso at prostitusyon ng mga bata at pinamunuan din niya ang Akap sa mga Bata ng mga Guro Kalinga, isang pambansang network ng mga day care workers at guro.

Bilang kinatawan ng kababaihan, si Arlene Brosas ang pangunahing may-akda ng Safe Spaces Law, Expanded Maternity Leave Law, at Expanded Solo Parents Welfare Law, pati na rin ang pagpapalakas ng Anti-Rape Law para sa mga batang biktima. Siya rin ay isa sa mga pangunahing may-akda ng mga panukalang batas tulad ng Magna Carta for Day Care Workers Bill, Additional Benefits for Solo Parents Bill, Expanded Anti-VAWC Bill, at Sexual Orientation and Gender Identity Expression (SOGIE) Equality Bill.

Bilang isang Makabayang kongresista, aktibong isinusulong ni Arlene Brosas ang mga batas laban sa kontraktwalisasyon, para sa dagdag na sahod ng mga manggagawa, at tunay na reporma sa lupa, at karapatan sa disenteng paninirahan.

Batid ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang bilihin, itinulak din niya ang pagbabasura ng batas sa deregulasyon ng industriya ng langis o Oil Deregulation Law at Rice Tariffication Law na nagpahintulot sa walang patumanggang importasyon ng bigas habang tinututulan naman ang mga panukalang dagdag buwis at paglulustay ng pondo

Sa loob man o labas ng Kongreso, hindi maipagkakailang matapang na inilalantad at nilalabanan ni Arlene Brosas ang korapsyon at pang-aabuso

Mula sa pagiging Iskolar ng Bayan at kalaunan ay guro sa Unibersidad ng Pilipinas sa Baguio at Manila, hanggang sa pagiging lider ng Gabriela Women’s Party Metro Manila at ngayon ay kinatawan sa Kongreso, walang maliw niyang isinasatinig ang mga hinaing at kahilingan ng kababaihan, bata, at bayan.

Plataporma: Tuloy ang laban para sa babae, bata at bayan!

Patuloy na ipaglaban ang kapakanan at aspirasyon ng babae, bata at bayan. Sa sama-samang pagkilos, kamtin natin ang higit pang tagumpay sa batas, sa pagbibigay serbisyo at, higit sa lahat, sa pagpapakilos ng mga kababaihan para sa ating interes at karapatan.

Ang hamon sa atin ay magkaisa at manindigan. Ang LABAN ng Gabriela sa Kongreso, dalhin natin sa Senado!

1. Lipunang kumakalinga sa mamamayan

  • Ilantad ang korapsyon at panagutin ang mga kurakot at magnanakaw sa kaban ng bayan.
  • Itaas ang badyet para sa serbisyong pangkalusugan: mataas na sahod at nararapat na benepisyo para sa mga manggagawang pangkalusugan, dagdagan sa halip na bawasan ang pondo para sa mga pampublikong ospital
  • Ipasa ang National Public Health Care Bill ng Makabayan bloc. Labanan ang pribatisasyon ng mga ospital.
  • Isabatas ang pagbibigay-kompensasyon para sa lahat ng pamilyang Pilipino apektado ng pandemya at iba pang natural na kalamidad

2. Agrikultura at industriyang maunlad na magbibigay ng tiyak na kabuhayan sa mga Pilipino sa loob ng bansa at nagluluwal ng matiwasay na kabuhayan para sa mga magsasaka at manggagawang Pilipino

  • Ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa at agrikultura; ipamahagi sa nagbubungkal ang lupang sakahan.
  • Ibasura ang Rice Liberalization Law! Ipasa ang Rice Industry Development Act! Buwagin ang monopolyo at kartel na nakikinabang sa walang sagkang importasyon ng bigas at pagkain.
  • Isabatas ang national minimum wage na nakabatay sa family living wage. Isabatas ang tunay na Security of Tenure Bill. Ibasura ang patakarang ENDO at ipagbawal ang lahat ng anyo ng kontraktwalisasyon. Isabatas ang Anti-Union Interference Bill.

3. Tiyakin ang proteksyon ng mga maliliit na manininda. Labanan ang pribatisasyon ng mga pampublikong palengke.

  • Tiyakin ang proteksyon ng mga OFWs. Iwaksi ang Labor Export Policy. Ipasa ang Financial Assistance for Distressed OFWs Bill.

4. Bayan na nagtataguyod ng karapatan at kagalingan ng kababaihan at lahat ng marginalized na sektor laban sa diskriminasyon, pagsasamantala at pang-aabuso

  • Pantay na trato sa kababaihan, bata, LGBT, katutubo, matatanda at may kapansanan
  • Iwaksi ang kulturang bulok na nanghihikayat at nagbubunsod ng pang-aabuso. Isulong ang mga patakaran at batas para wakasan ang lahat ng porma ng karahasan at diskriminasyon sa bata, kababaihan, mga katutubo, LGBT, matatanda at may kapansanan.
  • Isulong ang amyenda para palakasin ang Anti-Rape Law at Anti-VAWC Law.
  • Isabatas ang Magna Carta of Daycare Workers, Divorce Bill at SOGI Equality Bill
  • Tiyakin ang implementasyon ng Safe Spaces Act, Expanded Solo Parents Welfare Act, Expanded Maternity Leave, Occupational Safety and Health Law
  • Tiyakin ang kagyat na serbisyo at isulong ang pakikibaka para sa katarungan sa mga biktima ng karahasan at pang-aabuso.
  • Tiyakin ang boses at representasyon ng kababaihan at LGBTQ+ sa Senado

5. Abot-kayang presyo ng pagkain at iba pang batayang pangangailangan ng mamamayan, at tunay na serbisyong panlipunan

  • Isulong ang pagbasura sa TRAIN Law at mga buwis na pahiram sa mamamayan.
  • Iwaksi ang patakarang pribatisasyon sa batayan serbisyo. Isulong ang pagbasura sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), Oil Deregulation Law at iba pang kontra-konsumer na batas na nagpapataas ng presyo ng kuryente, langis, tubig at pagkain
  • Ipaglaban ang libreng edukasyon at ibasura ang pahirap na K-12.
  • Itigil ang mga demolisyon at magtayo ng disente, pangmasa at abot-kayang pabahay para sa maralita.
  • Isulong ang national public transport program na isinasaalang-alang ang kapakanan at kaligtasan ng drayber at pasahero. Tutulan ang jeepney phaseout at pribatisasyon ng pampublikong transportasyon.

6. Nagkakaisang sambayanan para sa kasarinlan, kalayaan at katarungan. Wakasan ang marahas at mapanupil na pamamahala sa bayan.

  • Ipaglaban ang karapatan sa lahat at buong teritoryo ng Pilipinas laban sa pananakop ng dayuhan. Ibasura ang Mutual Defense Treaty at iba pang makaisang panig na tratado at kasunduan. Tutulan at labanan ang anumang sandatahang panghihimasok, pang ekonomiya at pulitikal na kontrol ng gubyernong US at iba pa na lumalapastangan sa soberanya at karapatan ng mamamayan.
  • Panagutin ang mga kriminal na dayuhang militar sa lahat ng kanilang pang-aabuso at pagsasamantala sa kababaihan, bata, LGBTQ at buong mamamayang Pilipino.
  • Hadlangan ang charter change at anumang panukalang batas at kautusan na magpapalala ng panghihimasok at pandarambong ng dayuhan sa mga lokal na industriya, mga lupain at likas na yaman.
  • Panagutin ang nakaraang administrasyong Duterte sa kaniyang pekeng kampanya laban sa droga at iba pang porma ng extra-judicial killings, tanim-bala/tanim-baril, atbp. Ipaglaban ang katarungan para sa lahat ng biktima ng EJK. Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal.
  • Ibasura ang Executive Order 70 at buwagin ang NTF-ELCAC na naghahasik ng takot at kasinungalingan! Tutulan ang pagtatalaga ng mga militar sa mga ahensya ng gobyerno. Labanan ang mga batas at polisiyang ginagamit laban sa mamamayan.
  • Tutulan ang red-tagging at anumang tangkang supilin ang batayang karapatan ng kababaihan at mamamayan sa malayang pamamahayag, organization, assembly etc.
  • Biguin ang atake at lahat ng tangkang pagpapatahimik sa mga kababaihan at mamamayang lumalaban sa abuso’t karahasan!