![](https://i0.wp.com/makabayan.ph/wp-content/uploads/2024/12/banner01.jpeg?resize=1600%2C800&ssl=1)
TAUMBAYAN SA SENADO
MAKABAYANG PLATAPORMA
Para sa kagyat na ginhawa ng taumbayan at kasarinlan ng bansa: Isulong ang Pambansang Demokrasya!
Ang halalan sa Pilipinas ay kontrolado at pinaghaharian ng pinakamayayaman, mga dinastiyang pulitikal at bulok na pulitko na kumakatawan sa interes ng iilan. Wala sa kanilang puso o diwa ang kapakanan ng bayan. Layon nilang panatilihin ang sistemang nagsasadlak sa mayorya ng sambayanan sa krisis at kahirapan, sa kapakinabangan nila at ng mga dayuhan.
Mataas na presyo, mababang pasahod, kulang na trabaho, monopolyo sa lupa at pag-agaw ng lupa at kabuhayan, pagwasak sa kalikasan at pook pangisdaan, patung-patong na utang at buwis, sistematikong korapsyon, bulok at kulang na serbisyo, pagsuko ng soberanya: ito ang mga palagiang ipinapataw sa atin ng mga dominanteng pwersa sa halalan.
Namamayagpag ngayon ang mga dayuhang tropa sa lupa at karagatan at kinakaladkad tayo sa gera na di naman natin interes. Humaharap sa matinding peligro ang sambayanang Pilipino.
Nagaaway-away ngayon ang mga paksyon ng pulitiko na pansariling interes lamang ang isinusulong, habang lugmok ang bayan ang napakatinding krisis sa kasarinlan at kabuhayan. Lalo itong sumasahol sa ilalim ng korap, pahirap, papet at pasistang rehimeng Marcos at mga nagdaang rehimen. Naghahanap ito ng kagyat na solusyon.
Sa layuning isulong ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya bilang tugon sa krisis ng lipunan, inihahapag ng Makabayan ang programa para ipagtanggol ang kasarinlan at kaligtasan ng bansa at isulong ang kagyat na ginhawa para sa mayorya ng taumbayan. Hamon sa Makabayan at sa sambayanang Pilipino na kamtin ang pinakamalaking kakayaning tagumpay sa darating na halalan: para ipanalo ang mga kandidato sa senado at party-list, at para buklurin at pakilusin ang pinakamalawak na hanay ng sambayanan sa landas ng tunay na pagbabago.
1. Kabuhayan at ekonomiya para sa Pilipino ⏷
- Libreng pamamahagi ng lupa sa mga nagsasaka ng lupa, laluna sa mga palayan, maisan at tubuhan. Moratoryum sa pagpapalit-gamit ng lupa (land conversion) at pagtatayo ng mga plantasyong pang-eksport. Pagsasabatas ng Genuine Agrarian Reform Bill (GARB).
- Suportang gobyerno para sa lokal na produksyon, lalo na sa palay, upang ibaba ang ng presyo ng bigas. Pagbasura sa Rice Tariffication Law at pagpasa ng Rice Industry Development Act. Pagbibigay ng subsidyo sa mga produktong agrikultural at pagbabasura sa patakarang import liberalization.
- Pagtataguyod sa karapatan sa pangingisda ng mga Pilipino, sa tabang at dagat, sa munisipal na pangisdaan at sa West Philippine Sea. Pagbabawal sa malalaking dayuhan at komersyal na pangingisda sa mga munisipal na pangisdaan. Pagbasura sa Fisheries Code of 1998.
- P1,200 daily minimum living wage para sa mga manggagawa sa buong bansa. Pagsasabatas ng National Minimum Wage. Pagbasura sa Wage Regionalization. Pagbasura sa 2-tier wage system.
- P33,000 buwanang nakabubuhay na sweldo para sa pampublikong sektor simula sa Salary Grade 1. Minimum na buwanang P50,000 na sweldo ng mga pampublikong guro at pampubliko at pribadong nars.
- Pagbabasura sa kontraktwalisasyon at iba pang anyo ng pleksibleng paggawa. Sapat at regular na trabaho para sa lahat. Proteksyon para sa mga seafarers, kasama na ang kanilang kasiguraduhan sa trabaho.
- Pambansang industriyalisasyon at pagsuporta sa industriya at negosyong Pilipino laluna sa industriya ng bakal, lokal na pagmamanupaktura (kabilang ang produksyon ng mga lokal na jeepney), pagpoproseso ng pagkain at iba pa.
- Pagsasabansa ng industriya ng langis at kuryente. Pagbasura sa Oil Deregulation Law at EPIRA.
- Pagtanggal ng VAT laluna sa langis, kuryente, tubig, gamot, at mga kinakailangang serbisyo para kagyat na mapababa ang presyo ng mga ito.
- Pagbigay-proteksyon at pagsuporta sa pangangailangan ng mga OFW at pagtigil sa di makatarungang bayarin na ipinapataw sa kanila.
- Proteksyon para sa mga manggagawang impormal kasama ang ayuda at benepisyo. Pagtaguyod sa karapatan ng platform workers (riders atbp.) bilang mga manggagawa, kasama ang karapatang mag-unyon.
- Pagpapataw ng “wealth tax” o buwis sa mga bilyunaryong Pilipino. Pagpanumbalik ng buwis sa mga dayuhang namumuhunan.
2. Serbisyo para sa lahat ⏷
- Pagsusulong ng isang makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon na magsisilbi sa bayan. Ibayong pagpapalawak ng libre, dekalidad, at inklusibong edukasyon sa lahat ng antas (basic hanggang tertiary) kaakibat ng pagtataas ng budget ng edukasyon na hindi bababa sa 6% ng Gross Domestic Product (GDP). Pagpapatigil sa Matatag curriculum at programang K-12.
- Libre at komprehensibong serbisyong pangkalusugan sa buong bansa. Pagpasa ng Free Comprehensive, and Progressive National Public Health Care System Bill. Paglaan ng katumbas ng 5% ng GDP para sa kalusugan. Pagtitiyak sa nakasasapat na mental health services para sa mamamayan.
- Progresibo, makabayan at makamasang pampublikong transportasyon at suporta para sa gawang-Pinoy na jeep at iba pang moda ng transportasyon.
- Katiyakan sa paninirahan, ligtas at abot-kayang pang-masang pabahay para sa mga maralita. Pagbibigay ng prayoridad sa pabahay sa mga aktwal na naninirahan sa mga lupang publiko.
- Gawing pag-aaring publiko ang serbisyo sa tubig, kuryente, kalsada, transportasyon, mga palengke, parke at iba pa. Pagbabasura sa patakarang pribatisasyon.
3. Pambansang Soberanya ⏷
- Pagsusulong ng isang makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon na magsisilbi sa bayan. Ibayong pagpapalawak ng libre, dekalidad, at inklusibong edukasyon sa lahat ng antas (basic hanggang tertiary) kaakibat ng pagtataas ng budget ng edukasyon na hindi bababa sa 6% ng Gross Domestic Product (GDP). Pagpapatigil sa Matatag curriculum at programang K-12.
- Libre at komprehensibong serbisyong pangkalusugan sa buong bansa. Pagpasa ng Free Comprehensive, and Progressive National Public Health Care System Bill. Paglaan ng katumbas ng 5% ng GDP para sa kalusugan. Pagtitiyak sa nakasasapat na mental health services para sa mamamayan.
- Progresibo, makabayan at makamasang pampublikong transportasyon at suporta para sa gawang-Pinoy na jeep at iba pang moda ng transportasyon.
- Katiyakan sa paninirahan, ligtas at abot-kayang pang-masang pabahay para sa mga maralita. Pagbibigay ng prayoridad sa pabahay sa mga aktwal na naninirahan sa mga lupang publiko.
- Gawing pag-aaring publiko ang serbisyo sa tubig, kuryente, kalsada, transportasyon, mga palengke, parke at iba pa. Pagbabasura sa patakarang pribatisasyon.
4. Pangangalaga sa kalikasan ⏷
- Pagtataguyod ng karapatan sa ligtas na kapaligiran, pagtigil ng mapanirang programa sa kalikasan, pagbasura sa mga mapanira at makadayuhang batas sa kalikasan, at pagtataguyod ng batas na maka-kalikasan.
- Pagbasura sa proyekto ng mga dambuhalang dam na mapaminsala sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan at nagpapalikas sa mga katutubong mamamayan mula sa kanilang lupang ninuno at mga sakahan.
- Moratoryum sa malakihang operasyon ng pagtotroso, pagmimina, at reklamasyon. Pagsasabatas ng People’s Mining Bill.
- Pagbigay ng sapat na ayuda at bayad-pinsala o kompensasyon sa mga nasira ang pananim, nawalan ng tirahan at ari-arian dulot ng mga kalamidad.
- Paghihigpit ng regulasyon laban sa polusyon sa hangin, katubigan (ilog at dagat) at lupa.
- Pagtugon sa epekto ng pagbabago ng klima at paglaban para sa climate justice.
- Pagsasabatas ng Environmental Defenders’ Bill.
5. Karapatan at kapayapaan ⏷
- Pagtataguyod ng Human Rights Defenders Act.
- Pagbasura sa Anti-Terrorism Act, Terrorism Financing Law at iba pang mapanupil na mga batas at patakaran.Pagbuwag sa NTF-ELCAC.
- Muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa NDFP upang hanapan ng solusyon ang mga problemang sosyo-ekonomiko na nasa ugat ng armadong paglaban.
- Pagtaguyod sa karapatan sa pag-uunyon, pagwewelga at mga garantiya sa seguridad sa trabaho. Pagrepaso sa Labor Code at pagbasura sa mga probisyong sumasagka sa mga karapatang ito.
- Pagbabawal sa red-tagging at iba pang porma ng pagsikil sa karapatang magpahayag at mag-organisa. Pagsulong sa demokratikong karapatan at pagtataguyod sa kalayaang pang-akademiko.
- Pagtataguyod sa mga karapatan ng mga katutubo at Bangsamoro sa sariling pagpapasya at sa lupang ninuno. Pagbayad-pinsala sa mga residente ng Marawi at pagtiyak na muling maitayo nila ang kanilang mga tirahan.
- Pagtigil sa militarisasyon sa kanayunan at ang walang-habas na pambobomba sa mga komunidad sa kanayunan. Pagtigil sa militarisasyon sa mga komunidad sa kalunsuran at sa mga paaralan, at pagpigil sa panukalang ibalik ang Mandatory ROTC.
- Pagpapanagot sa mga responsable sa pinakamalalang paglabag sa karapatang pantao at international humanitarian law. Pagpapanagot kay Rodrigo Duterte at kanyang mga kasapakat sa ICC.
- Pagpapalaya sa lahat ng bilanggong politikal. Pagtigil sa pagsampa at pagbasura ng mga gawa-gawang kaso upang supilin ang mga nagtatanggol sa karapatan ng mamamayan. Pagtataguyod sa karapatan ng mga Persons Deprived of Liberty.
- Pagtigil sa extra-judicial killings, pagdakip sa mga aktibista, pagpapalitaw sa mga nawawala, at pagpapanagot sa mga nasa likod nito.
6. Pagsulong sa paglaya ng kababaihan at paglaban sa diskriminasyon, pagsasamantala at pang-aabuso ⏷
- Pagtaguyod sa pantay na katayuan at karapatan para sa kababaihan at ang pagkakapantay sa kasarian sa lahat ng antas ng pamamahala at pamumuhay sa lipunan.
- Isulong ang mga patakaran at batas para wakasan ang lahat ng porma ng karahasan at diskriminasyon sa bata, kababaihan, mga Moro at katutubo, LGBTQIA+, matatanda at may kapansanan (PWD).
- Palakasin ang Anti-Rape Law, Anti-Trafficking Law, Anti-OSAEC Law, Safe Spaces Law, at Anti-VAWC Law.
- Pagtiyak ng kagyat na serbisyo at katarungan para sa mga biktima ng karahasan at pang-aabuso.
- Isabatas ang Magna Carta of Daycare Workers, Divorce Bill at SOGIESC Equality Bill.
- Pagpapalawak at pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan para sa kababaihan.
7. Demokrasya sa Pamamahala ⏷
- Pagsasabatas ng pagbabawal sa mga political dynasty.
- Pagbasura sa automated elections at pagtataguyod ng hybrid election system.
- Pagsasabatas ng proteksyon at suporta para sa mga whistleblowers na naglalantad sa kurapsyon.
- Pagreporma sa sistemang partylist para tiyakin ang representasyon ng mga totoong inaaping sektor ng lipunan.
- Pagbubuo at pagpapalakas ng demokratikong kapangyarihan ng mamamayan at pagpapalakas ng partisipasyon nila sa pamamahala. Pagsasabatas ng Freedom of Information bill.
- Pagtataguyod ng demokratiko at makabayang patakaran sa pamamahala.
- Pagbabasura sa lahat ng porma ng pork barrel funds at confidential and intelligence funds.
8. Makabayang Kultura ⏷
- Pagsulong ng makabayan, siyentipiko at makamasang kultura bilang pambansang patakaran.
- Pagtataguyod ng makabayang sining at kultura at pagtiyak na mapalaganap ang mga likhang sining sa hanay ng masa. Pagbibigay suporta sa mga lokal na manggagawang pangkultura upang lumikha ng makabayang sining at maisulong ang kanilang karapatan at kagalingan.
- Pagwaksi sa kolonyal, elitista, at mapanupil na edukasyon upang mapalakas ang kulturang makabayan, siyentipiko, at makamasa. Pagtataguyod ng pag-aaral ng kasaysayan, kabilang ang pagpapaalala sa mga abuso at paglaban sa panahon ng diktadurang Marcos, sa lahat ng antas ng edukasyon.
- Pag-suporta at pagpapayabong sa maka-mamamayan at progresibong kulturang Moro at Katutubo bilang bahagi ng kabuuang kulturang Pilipino. Pagpapayabong ng wikang Filipino bilang pambansang wika at ng lahat ng mga wika ng Pilipinas.
- Pagtataguyod ng karapatan sa mapanlikhang pagpapahayag at pagtutol sa censorship.
- Pagsuporta sa komprehensibong programa ng sports development sa pinakamalawak na hanay ng mamamayan.
Sa panahon ng eleksyon at maging pagkatapos nito, patuloy nating isusulong ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya bilang tunay na solusyon sa pangmatagalang krisis na kinakaharap natin. Patuloy nating buuin ang kapangyarihan ng mamamayan sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng mga unyon at iba pang samahan at organisasyong pang-masa. Tanging sa sama-samang paglaban makakamit ang matagal nang mithiin ng mamamayan para sa ganap na kalayaan at demokrasya sa ating bayan
Bakit tatakbo ang Makabayan sa Senado?
Renato Reyes, Jr
BAYAN President at Makabayan campaign manager
Agosto 26, 2024
Mga kababayan, mga kapatid,
Narinig nyo na ba ang latest? Tatakbo daw ang Makabayan sa senado. Hindi na lang daw isa o dalawa, kundi marami na sila.
Mula nang inanunsyo ng Makabayan ang kapasyahan nitong magpatakbo ng sariling slate, upang ialay ang sarili bilang oposisyon ng bayan, slate na bubuuin ng iba’t ibang aping sektor ng lipunan, nakatanggap tayo ng samu’t saring reaksyon.
May mga nagtaka. Kung susumahin ang mga reaksyon, parang ang sinasabi, “Baliw ba kayo? Paano kayo magpapatakbo ng marami eh wala naman kayong pera?”
Sagot natin: Maraming nangarap ng pagbabago ang tinawag ding baliw. Si Andres Bonifacio, tingin nyo ba di sya tinawag na baliw at nasisiraan ng ulo nang nangarap syang maging malaya ang mga Pilipino mula sa mga Kastila?
Wala tayong pera, di tayo tulad ng mayayaman, totoo. Pero huwag nilang maliitin ang kakayanan ng mga mahihirap na magtulungan, magdamayan at mag-ambagan.
May nagtanong, bakit naman kayo magpapatakbo ng manggagawa at magsasaka para senador?
Sagot natin: Bakit hindi? Bakit sa isang lipunan na nagsasabing ito ay demokrasya, hindi pwedeng tumakbo ang mga nagmumula sa pinakamalaking sektor ng lipunan? Bakit laging itsapwera ang mga mahihirap? Pag di sikat, out na agad? May karapatan at may kakayanan ang mga manggagawa, magsasaka, mga maralita, mga teacher, mga karaniwang tao na marinig ang boses nila.
At sa totoo lang, ang ating mga kandidato, simple man ang kanilang pinagmulan, ipinagmamalaki natin sila. Ipinagmamalaki nating hindi sila nagnakaw. Ipinagmamalaki nating hindi sila nagpayaman. Ipinagmamalaki nating hindi sila nang-api ng kapwa.
Hindi sila puro pangako, at porma. Ang ating mga kandidato, may programa, may plataporma – pambansang demokrasya. Panahon na para ipabatid sa pinakaraming mamamayang Pilipino na may buhay na alternatibo sa impyernong kinasasadlakan natin. Reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, libreng seribsyong panlipunan, nakabubuhay na sahod, demokrasyang bayan, nagsasariling patakarang panlabas, pantay na pagtrato sa lahat ng kasarian, kalayaan mula sa mga dayuhan, sariling pagpapasya ng mga pambansng minorya at paggalang sa karapatang pantao.
Eh bakit kayo sa Makabayan ang iboboto?
Sinagot na po yan ni Harry Roque nung isang araw. Napanood nyo ba?
Sabi ni Harry Roque, hindi na po ito labanan ng mga Duterte at Marcos. Ang laban po ngayon ay pwersa ng kadiliman laban sa pwersa ng….. Kasamaan!
At yan ang dahilan kung bakit tayo tumatakbo. Alangan namang ang pagpipilian lang ng mga Pilipino ay pwersa ng kadiliman o kasamaan. Hindi!
Ngayong araw sinasabi natin na may alternatibo. May pagpipilian. May bagong pag-asa. May magagawa tayo. Dahil sa wakas, meron tayong pagkakataon para maglagay ng katulad natin sa senado. Narito na ang pagkakataon na maglagay ng taumbayan sa senado.
Kung may nagtataka at nagduda, maniwala kayo, madami din ang nagpahayag ng suporta. Mga simpleng tao na nabuhayan ng loob dahil sa wakas, may mga kandidatong mula sa hanay nila. Ewan ko sa inyo, sa dami ng eleksyong nakita ko, ngayon lang ako nakaramdam ng kakaibang excitement. We have very good candidates, supported by their sectors and communities. Ikakampanya natin sila kahit mamaos tayo. Aabutin natin ang lahat ng sulok ng bansa. Kakausapin natin ang mamamayang matagal nang nasusuya sa umiiral na kalakaran.
Mga kababayan mga kapatid, narinig nyo na ba ang latest? Tatakbo ang Makabayan sa Senado, taumbayan ang ipapanalo. Tayo na sa pagbabago!
![](https://i0.wp.com/makabayan.ph/wp-content/uploads/2024/11/Untitled-1.png?resize=1280%2C444&ssl=1)
Suportahan ang Makabayan
![](https://i0.wp.com/makabayan.ph/wp-content/uploads/2025/01/202501.jpeg?resize=768%2C1024&ssl=1)
![](https://i0.wp.com/makabayan.ph/wp-content/uploads/2025/01/202502.jpeg?resize=768%2C1024&ssl=1)